Tumanggi nang dumalo ang ilang Cabinet Officials sa susunod na pagdinig ng Senado kaugnay sa pagkaka-aresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakapiit sa The Hague, Netherlands.
Sa ipinadalang liham ni Executive Secretary Lucas Bersamin kina Senate President Chiz Escudero at senador Imee Marcos, ipinunto niya ang executive order 464 o executive privilege na nagpapahintulot na huwag isapubliko ang mga napag-usapan sa pagitan ng pangulo, cabinet officials, at presidential advisers.
Dagdag pa ni Sec. Bersamin na naibahagi na ng mga opisyal ng gabinete sa unang pagdinig ng senado ang lahat ng kanilang nalalaman kaugnay sa nasabing isyu.
Ikinalungkot naman ni Senador Marcos, na siyang Chairperson of the Senate Committee on Foreign Relations, ang hindi pagdalo ng mga nasabing opisyal dahil marami pa rin aniyang katanungan hinggil sa usaping pag-aresto sa dating pangulo.
Binigyang-diin din ng mambabatas na hindi “free pass” Ang EO 464 upang hindi basta-basta sumipot ang mga opisyal ng pamahalaan sa pagdinig ng mataas na kapulungan ng Kongreso. —sa panulat ni John Riz Calata