Ipinarating ng mga Persons with Disability o PWD’s ang kanilang concerns sa Commission on Elections (COMELEC) sakaling sa mall idaos ang botohan.
Sa public hearing ng COMELEC, sinabi ni Charito Manglapus, isang PWD na may cerebral palsy at naka-wheel chair pang pumunta sa pagdinig, na baka mahirapan silang maabot ang lamesa sa mall na pagbobotohan.
Kaya naman, hiniling ni Manglapus na sana ay kasing-taas lamang nila ang lamesang pagbobotohan para mas madalian sila.
Nais daw kasi ng mga kapwa niya PWD’s na sila mismo ang mag-shade ng balota para mas maramdaman nilang sila ay Pilipino.
Tutugunan
Tiniyak naman ng COMELEC na ikinokonsidera nila ang concerns ng mga Persons with Disability o PWD’s sakaling sa mall idaos ang botohan.
Sinabi ni COMELEC Chairman Andres Bautista na ang request ni Charito Manglapus, isang PWD ay kanilang tutugunan.
Sa katunayan sinabi ni Bautista na mayroon silang nakahandang prototype booth para sa regular voters at meron din namang para sa mga PWD na mas mababa.
Bukod dito, nakatutok din aniya ang COMELEC sa pagbibigay ng translator sa mga deaf o binging botante.
Tiniyak din ni Bautista na magbibigay din sila ng shuttle services sa mga PWD sa tulong ng Land Transportation Office (LTO) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
By Allan Francisco