Balik operasyon na ang ilang consular offices ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, simula sa Lunes, Mayo 4.
Kasunod na rin ito ng pagsasailalim sa general community quarantine (GCQ) o mas maluwag na lockdown sa ilang lugar sa bansa.
Ayon sa DFA, kabilang sa magbubukas na sa publiko simula Lunes ang kanilang consular offices sa Cotabato, La Union, Puerto Princesa, Santiago City Isabela, at Tuguegarao City Cagayan.
Habang patuloy naman ang operasyon ng DFA consular offices sa Butuan, Dumaguete, General Santos, Tacloban at Clarin Misamis Occidental sa kasagsagan ng quarantine period.
Kaugnay nito, sinabi ng DFA na kanilang mahigpit na ipatutupad ang ilang mga hakbang na maituturing na “new normal” sa mga nabanggit nilang tanggapin.
Kabilang anila rito ang pananatiling suspendido ng walk-in applications, mahigpit na pagtitiyak sa physical distancing, limitadong bilang ng mga tao sa loob ng kanilang mga tanggapan, pagsusuot ng mga mask at pag-check sa temperatura.
Kinakailangan ding kumuha muna ng online appointment sa pamamagitan ng email ang mga passport applicants habang hinihimok din silang mag-avail ng online payment at delivery ng mga pasaporte.