Ilang mga residente sa Metro Manila at Rizal na sineserbisyuhan ng Manila Water ang patuloy na nakararanas ng putol-putol na suplay ng tubig.
Ito ay sa kabila ng ipinatutupad na rotational supply scheme ng Manila Water sa kanilang mga customers.
Ayon kay Manila Water Corporate Communications Head Jeric Sevilla Jr., patuloy pa rin ang kanilang rotational water supply scheme para maging balanse ang distribusyon nila ng tubig sa kanilang mga nasasakupang lugar.
Bagama’t naibalik na nila ang suplay sa halos 97% ng kanilang mga customers, may ilan pa rin ang nananatiling walang tubig dahil elevated o mataas ang lugar ng mga ito.
Una nang sinabi ng Manila Water na magtutuloy tuloy ang kanilang water service interruption sa buong panahon ng tag-init.