Sugatan ang ilang deboto ng Nuestra Señora De Peñafrancia sa Naga City matapos maipit sa isinagawang fluvial procession kahapon.
Tumagal ng mahigit tatlong oras ang prusisyon sa ilog ng Naga City sa Camarines Sur na bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng Pista ng Mahal na Ina ng Bicolandia.
Naging mabagal ang pag-usad ng prusisyon dahil sa low tide kung saan, sumasadsad ang lantsang sinasakyan ng imahe ng Birhen at ng El Divino Rostro sa mababaw na bahagi ng ilog.
Dahil sa dagsa ng mga deboto, hindi naiwasang ng ilan na magkasiksikan at magkatulakan, masilayan lamang ang birhen na nagresulta sa pagkasugat ng mga ito.
Subalit may naka-antabay namang mga rescue teams sa buong ruta ng prusisyon sa tabing ilog kaya’t kagyat namang nalapatan ang mga ito ng kaukulang lunas.