Mangilan-ngilang deboto sa siyudad ng Vrindavan sa India ang hindi sinasadyang nakainom ng tubig na tumulo mula sa aircon ng isang templo dahil sa pag-aakala na ito ay ang charan amrit o ang tubig na nanggaling sa mga paa ni Lord Krishna.
Kung paano ito nangyari? Alamin.
Sa isang video, makikita ang iilang mga deboto na nakapila sa harap ng isang pader na mayroong elephant statue na kung saan ay mayroong tubig na lumalabas at tila gripo.
Gumamit pa ng maliit na baso ang mga nakapila upang saluhin ang tubig na tumutulo para inumin.
Kung titignan ay tila normal na tradisyon lamang ito para sa mga deboto, ngunit, ang problema ay hindi sagrado ang tubig na kanilang nainom!
Dahil ang tubig na kanilang pinagkamalang charan amrit o ang sagradong tubig mula sa mga paa ni Lord Krishna ay tubig lang pala mula sa aircon ng templo!
Sa isang pahayag na inilabas ng isang temple sevak o servant, sinabi na nirerespeto nila ang paniniwala ng mga deboto ngunit marapat lamang na malaman ng mga ito na hindi Charan Amrit ang kanilang ininom dahil ito ay naglalaman ng mga sangkap katulad ng tulsi at rose petals.
Nagbabala naman ang mag eksperto na bagama’t hindi delikado ang tubig mula sa aircon, maaari namang magdulot ng komplikasyon sa kalusugan ang mga bacteria at fungi na namumugad sa mga aircon.
Samantala, pinuri naman ang pananampalataya ng mga deboto ngunit hindi sila nakaligtas sa pamumuna ng ibang tao dahil sa kanilang maling akala.
Nadismaya naman ang ibang deboto na nagnanais na subukan ang Charan Amrit at sinisisi ang templo sa hindi pagpapaliwanag sa kanila ng “himala.”
Ikaw, ano ang masasabi mo sa maling akala na ito?