Nabunyag ang ginawang pagtatago ng Malacañang sa detalye ng mga SALN o Statement of Assets Liabilities and Networth ng mga miyembro ng gabinete ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa report ng PCIJ o Philippine Center for Investigative Journalism, pinuna nito ang paglalagay ng itim sa mga detalye sa SALN ng mga cabinet member.
Sa 29 na SALN na nirepaso ng PCIJ, umaabot sa 167 detalye ang itinago sa pamamagitan ng paglalagay ng kulay itim na tinta.
Kabilang dito ang halaga kung magkano nabili ang isang ari-arian at ang lokasyon ng kanilang mga lupain.
Pinuna ng PCIJ na malinaw na paglabag ito sa FOI o Freedom of Information Executive Order na inilabas ng Malacañang para sa lahat ng nasa sangay ng ehekutibo.
Batay rin sa guidelines ng Civil Service Commission, tanging ang address lamang ng opisyal ang pinapayagang itago o lagyan ng itim sa kanilang saln dahil sa panganib na ma-harass ang opisyal.
‘Fantastic increase’
Umaabot sa 100,000 hanggang 30 milyong piso ang nadagdag sa kayamanan ng ilang cabinet officials ng Pangulong Rodrigo Duterte sa loob lamang ng anim na buwan.
Nabunyag ito sa investigative report ng PCIJ o Philippine Center for Investigation Journalism.
Ayon sa PCIJ report, bago opisyal na nanungkulan ang mga itinalagang cabinet secretaries ay nagsumite na ng kanilang SALN o Statement of Assets Liabilities and Networth noong June 30, 2016 at nagsumite uli noong December, 2016 o pagkatapos ng anim na buwan sa tungkulin.
Pinakamalaki sa mga iniakyat ang yaman ay si Finance Secretary Carlos Dominguez na nadagdagan ng halos 30 milyong piso sa loob lamang ng anim na buwan.
May nakita ring halos 10 milyong pisong dagdag sa yaman ni Economic Planning Secretary Ernesto Pernia, mahigit 5 milyon kay PCO Secretary Martin Andanar, mahigit sa apat na milyon kay Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza samantalang mahigit sa isang milyon kina Transportation Secretary Arturo Tugade, Energy Secretary Alfonso Cusi at Budget Secretary Benjamin Diokno.
Pinuna naman sa report ng PCIJ ang anila’y fantastic na pagtaas ng yaman ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa loob ng pitong taong pagitan mula nang maupo ito bilang cabinet official.
Mula sa mahigit tatlong milyong networth sa kanyang December 2009 SALN, umaabot na sa mahigit 25 milyong piso ang networth ni Piñol sa kanyang December 2016 SALN o dagdag na mahigit sa 21 milyong piso.
—-