Pansamantalang kinansela ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang ilang domestic flights matapos ang muling pagsabog ng Bulkang Bulusan na nasa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon sa MIAA, ang pagpapatigil ng biyahe sa paliparan ay alinsunod na rin sa panawagan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na huwag na munang magpalipad ng eroplano malapit sa palibot ng Mt. Bulusan dahil delikado bunsod ng muling pag-aalburoto nito.
Kabilang sa mga nakansela ang flight ay ang Cebu Pacific 5J o 5J 325 at 326 Manila-Legazpi-Manila at 5J327 at 328 Manila-Legazpi-Manila; CEBGO o DG6111 at 6112 Manila-Naga-Manila at DG6117 at 6118 Manila-Naga-Manila; PAL Express o 2P 2923 at 2924 Manila-Legazpi-Manila maging ang 2P 2919 at 2920 Manila-Legazpi-Manila.
Sa ngayon, wala pang anunsiyo kung kailan ibabalik sa normal ang operasyon ng mga eroplano sa mga nakanselang lugar dahil sa Bulkang Bulusan.