Ilang driver at konduktor sa EDSA bus carousel ang nagkilos-protesta sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board dahil ilang buwan na umanong atrasado ang kanilang suweldo.
Ang EDSA bus carousel ay bahagi ng service contracting program ng gobyerno noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic at libreng nagsasakay ng mga pasahero.
Mayroong pribadong kumpanya ang mga driver at konduktor subalit ipinabatid nila sa LTFRB ang kanilang hinanakit sa naiipit na sahod.
Gayunman, ikinagulat ng employer ang demonstrasyon ng mga driver at konduktor lalo’t tinutugunan naman umano ang kanilang pangangailangan.
Inihayag ni Ritchie Manuel ng ES Consortium na pinag-uusapan na sa pamamagitan ng National Conciliation and Mediation Board ang problema at nakikibahagi ang kompanya sa naturang mediation process.
Samantala, nilinaw ng LTFRB na nagagampanan nila ang kanilang obligasyon sa pagbabayad sa mga operator.