Aminado ang Department of Transportation na hindi makausad ang konstruksyon ng ilang railway project na suportado ng China, sa ilalim ng “Build, Build, Build Program”.
Ito, ayon kay Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez, ay dahil hindi pa napopondohan ang mga nasabing proyekto.
Kabilang anya sa mga wala pang pondo ang mga planong train systems mula Laguna hanggang Bicol, Clark to Subic at Mindanao Railway, na campaign promise ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinaka-malaki sa mga nasabing kontrata ang 380 kilometer PNR package 1 mula Calamba, Laguna hanggang Daraga, Albay na P142 billion; P83 billion para sa Mindanao Railway habang P51 billion Clark-Subic Railway.
Noon lamang January 18 ay ini-award ng DOTr ang kontrata para sa PNR Bicol package 1 sa Chinese Joint Venture China Railway Group limited, China Railway number 3 Engineering Group Limited at China Railway Engineering Consulting Group Limited.
Inaasahang matatapos ang konstruksyon ng package 1 sa taong 2024 at magsisimula ang operasyon sa ikatlong quarter ng 2025.
Gayunman, walang tugon ang Chinese government kahit lumiham na noong Pebrero si dating Finance Secretary Carlos Dominguez hinggil sa loan application kung saan nakasaad na kung hindi i-ga-grant ang loan ay ikukunsidera na itong withdrawn.