Nagdagdag ng security features ang ilang e-wallet na madalas na ginagamit sa bansa sa gitna ng nagkalat na text scams na hinihinalang kumuha ng impormasyon mula sa mga nasabing platform.
Kabilang sa naglagay na ng karagdagang seguridad sa kanilang online payment services ang globe at smart.
Ayon kay Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng Globe Telecom, na may hawak ng G-Cash, tinatakpan na nila ang buong pangalan ng padadalhan ng pera sa kanilang app.
Inihayag naman ni Smart Chief Information Security Officer Angel Redoble, na may hawak ng Maya, na nagsagawa na sila mga simulation upang masuri ang problema.
Naniniwala ang globe at smart na sinasamantala ng cyber criminals ang lehitimong features ng digital applications.
Hindi anya nila nais mawala o mapunta kung kaninong cyber-criminal ang mga pinaghirapang pera ng mga tumatangkilik sa kanilang serbisyo.
Samantala, nilinaw naman ni Bonifacio na walang nangyayaring data breach o leak sa G-cash system at kanyang tiniyak ang integridad ng datos ng mahigit 66-M nilang users.