Hindi na umano akma sa mga kalakaran ng pambansa’t pandaigdigang ekonomiya ang ilang probisyon ng Saligang Batas ng Pilipinas,ito ay ayon kay House Assistant Majority Leader Salvador Belaro, Jr.
Sa isang talumpati sa Annual Convention of Lawyers ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), ipinaliwanag ni Belaro, na ang mga lupain at halaga ng pagmamay-ari ng lupa ay hindi na kasing-bigat ngayong yugto ng 21st century kumpara sa mga nagdaang dekada.
Sa nasabi ring IBP convention, isinulong ni Belaro ang pag-amyenda ng ilang economic provisions ng Saligang Batas. Ilan dito ang Sections 2, 7, 10, 11, 14 ng Article XII (National Economy and Patrimony), at ang Section 11 ng Article XVI, at Section 4 of Article XIV.
“Kapital at labor ngayon ang nagpapalakas sa maraming industriya. Mayroon tayong labor at matatalino ang maraming Pilipino. Kailangan natin ay kapital. Maraming investor na kayang palaguin ang ilang ektarya ng lupa ngunit maraming balakid sa ating Saligang Batas,” Dagdag ni Belaro
May-akda si Belaro ng House Bill 4227 at House Bill 4234 na parehong naglalayon na makahikayat ng kapital papasok sa sektor ng edukasyon.
By Mariboy Ysibido / BNSP