Viral sa social media ang isang video kung saan nagsasayaw ang ilang babaeng empleyado ng Land Transportation Office (LTO).
Sa naturang video na sinabayan ng isang awitin ipinaabot sa publiko ang mga ipinagbabawal sa lansangan.
Kinagiliwan ito ng netizens at isang EM Camarillo ang nagtanong sa facebook kung ang mga naturang babae ang manghuhuli sa traffic violators.
Sumang-ayon din sa nasabing video ang maraming netizens na nagpaalala sa mga motorista na mag-ingat sa kalsada lalo na ngayong maulan.
Pabiro namang inihayag ni Transport Assistant Secretary for Communications Goddess Hope Libiran na masama ang loob niya dahil hindi siya kasama sa mga nagsayaw at aniya’y ‘it really hurts’.
Subalit nilinaw ni Libiran na ang naturang video ay hindi official campaign video ng ahensya kaya’t hindi ito na post sa official media platforms ng LTO o kaya naman ay sa DOTr.
Sinabi ni Libiran na hindi pakulo ng ahensya ang video na ginawa ng boluntaryo ng isang grupo ng mga kababaihang nais isulong ang mga kampanya ng kanilang ahensya.
Ginawa aniya ng mga empleyado ng LTO ang paglahok lamang sa social media na sinasalihan ng iba’t-ibang grupo at indibidwal kabilang na ang mga guro, artista, mga taga BFP, Department of Education at maraming iba pa.
Sa huli ayon kay Libiran ay malinaw ang mensahe ng nasabing video na: It really hurts na magmulta kaya magtino ka sa kalsada.