Nanindigan ang mga evacuee na nakatira sa labas ng 6km. radius permanent danger zone ng Bulkang Mayon, na hindi sila babalik sa kanilang tirahan at mananatili sila sa evacuation centers.
Ito’y kasunod ng naging direktiba ni Albay Governor Edcel Greco Lagman, sa mga opisyal ng dalawang bayan sa lalawigan na pauwiin na ang mga lumikas na residente partikular na ang mga bayan ng Sto. Domingo at Guinobatan.
Iginiit ng gobernador na hindi naman naninirahan sa danger zone ng naturang bulkan ang mga evacuee.
Ayon sa mga evacuee, kahit na nasa labas sila ng PDZ, mas gusto nilang manatili sa evacuation center na mas ligtas kumpara sa kinatatayuan ng kanilang bahay.
Bukod pa rito, malayo din ito sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon kung saan, posible pang maitala ang ashfall, lava flow, at pyroclastic density.