Balik-eskuwela na ang mga estudyante mula sa ilang Filipino-Chinese schools sa lungsod ng Maynila.
Ito ay matapos suspindihin ang klase sa mga nasabing Filipino-Chinese schools sa loob ng halos dalawang linggo dahil sa banta ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).
Una nang inanunsyo ng Hope Christian High School at Tiong Se Academy na balik-eskuwela na ang kanilang mga estudyante sa lahat ng antas ngayong araw na ito gayundin ang St. Stephen’s High School na inoobliga pa ang mga estudyante nito na magfill-out ng health declaration form bago pumasok sa paaralan.
Ang Chiang Kai Shek College ay may pasok na ang college level subalit sa February 12 pa ang pasok ng mga nasa junior at senior high school at February 17 naman ang pasok ng mga estudyante sa grade school at preschool.
Ang Philippine Cultural College ay mayroon na ring pasok ngayong araw na ito ang senior high school; bukas ay pasok ng nasa junior high school; February 12 ang pasok sa grade school; at February 17 naman ang pasok ng kinder o preschool.
Sa St. Jude Catholic School, may pasok na ang mga estudyante ng Early Childhood Department Junior High School at pre-university programs tulad ng senior high school at international baccalaureate diploma programme, subalit bukas ay magreresume ang klase sa elementary department.
Samantala, sa Uno High School naman, wala pa ring pasok subalit pinaaantabay ang kanilang mga estudyante sa anunsyo ng balik-eskuwela. —ulat mula kay Aya Yupangco (Patrol 5)