Nagkansela ng mga biyahe ang Cebu Pacific ngayong weekend matapos sumadsad sa runway ng Iloilo International Airport ang isang eroplano ng Cebu Pac.
Kabilang sa mga cancelled flights ngayong araw na ito ang biyahe mula Maynila pa-Iloilo at pabalik, Iloilo-Davao-Iloilo, Iloilo-Singapore-Iloilo, Cebu-Iloilo-Cebu at Iloilo-General Santos-Iloilo.
Bukas naman, October 15 kanselado ang Cebu Pac flights mula Maynila pa-Iloilo at pabalik, Davao-Iloilo-Davao at Cebu-Iloilo-Cebu.
Kanselado rin ang PAL flights ngayong araw na ito mula Maynila patungong Iloilo at pabalik gayundin ang Cebu-Iloilo-Cebu flight.
Ang mga apektadong pasahero ay inabisuhang mag-rebook ng kanilang flights sa loob ng 30 araw, magre-route sa mga alternative stations tulad ng Roxas, Bacolod o Kalibo para sa domestic flights at Manila o Cebu para sa mga flights mula at patungong Singapore.
Uubra rin naman ayon sa Cebu Pac na kumuha ng full refund o travel refund.
‘Stranded passengers’
Daan-daang pasahero ang istranded sa Iloilo International Airport matapos maparalisa ang operasyon ng paliparan.
Kasunod ito nang pag-overshoot ng eroplano ng Cebu Pacific kagabi sa runway ng paliparan.
Hanggang ngayon ay nananatili ang eroplano ng Flight 5J-461 sa nag-iisang runway ng paliparan kaya’t hindi maka-take off at makalapag ng mga eroplano sa Iloilo airport.
Ang ilang pasahero ay inilipat sa Roxas airport para makabiyahe lalo na ang mga pupunta pa ng ibang bansa habang ang ilang pasahero ay dinala sa Kalibo at Bacolod airports.
Sa abiso ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP, bubuksan ang Iloilo runway mamayang alas-6:00 ng gabi.
(Ulat ni Raoul Esperas)