Nag-anunsiyo na ang Philippine Airlines o PAL at Cebu Pacific Air ng kanselasyon ng ilan nilang biyahe mula sa huling bahagi ng Abril hanggang Oktubre.
Kasunod ito ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng DENR, DOT at DILG na isara ang isla ng Boracay sa loob ng anim na buwan na magsisimula sa Abril 26.
Batay sa abiso ng PAL, suspendido na simula Abril 20 hanggang Oktubre 27 ang biyahe pa-Caticlan at Kalibo mula Maynila.
Habang kanselado na rin ang biyahe pa-Caticlan mula sa Clark at Cebu simula Abril 26 hanggang Oktubre 27.
Nagkansela na rin ang Cebu Pacific ng maraming biyahe pa-Caticlan at Kalibo mula naman Abril 26 hanggang Oktubre 25.
Gayunman, may mga flights pa ring inilaan sa piling mga schedule upang maserbisyuhan ang mga lokal na residente at masiguro pa rin ang estado ng pagnenegosyo.
(Ulat ni Raoul Esperas)