Ilalatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilang isyu kabilang na ang post-pandemic recovery, food security at disaster response sa ika 40th at ika-41st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits at related meetings sa Phnom Penh, Cambodia sa susunod na linggo.
Sinabi naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) assistant secretary for Asean Affairs Daniel Espiritu na bahagi ng prayoridad ng Pangulo sa pagtitipon ang post-pandemic economic recovery at ang digital transformation at ekonomiya.
Inaasahan ding babanggitin ng Pangulo ng mga international concerns tulad ng diplomatic efforts sa agarang pagwawakas ng karahasan sa Myanmar, pagtigil ng labanan sa Ukraine at alitan sa South China Sea.
Uulitin din ng Pangulo ang kanyang panawagan para sa pagpapatupad ng five-point consensus na inaprubahan na ng ASEAN members upang matigil ang karahasan sa Myanmar.
Samantala, gaganapin naman ang unang bilateral meeting ng Pangulo kasama si Hun Sen ng Cambodia na siya ring host ng Asean Summit.
Magsasagawa rin ng bilateral talks ang Pangulo kasama si South Korean Leader Yoon Suk-Yeol hinggil sa pagtatapos ng free trade agreement sa pagitan ng dalawang bansa. —sa panulat ni Hannah Oledan