Isinasailalim na ngayon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa masusing imbestigasyon at lifestyle check ang ilang kawani ng gobyerno mula sa iba’t ibang government offices.
Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na 15 Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) na ang kanilang sinisilip ngayon dahil sa ibat-ibang kaso ng mga paglabag sa batas.
Pahayag ni Belgica, lahat ng board members hanggang sa mga managers ng PCSO ang subject ng kanilang imbestigasyon.
Sakaling matapos na aniya ang kanilang report at rekomendasyon agad nila itong isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Office of the Ombudsman.
Samantala, kabilang din sa kanilang isasailalim sa lifestyle check ang ilang mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
13 na aniya na mga BIR officials ang kanilang naaresto dahil sa malawakang kurapsyon sa ahensya.
Kasama din ani Belgica sa mga ila-lifestyle check ng PACC ang ilan umanong tiwaling opisyal ng DENR at Dpwh mula sa district engineers, regional district officers, at undersecretaries.
Marami na aniyang kinakaharap na asunto ang mga naturang opisyal at malaki aniya ang kanilang paniniwala na marami pang lulutang na mga bagong pangalan o personalidad na posibleng dawit din sa talamak na katiwalian.
Bunsod nito, nagkusa narin ani Belgica na mapasailalim sa lifestyle check si DOTr Sec. Art Tugade kaya umaasa aniya sya na susunod na rin ng kanilang mga SALN ang lahat ng mga opisyal ng DOTr at LTFRB.
Dagdag pa ni Belgica na dalawa ring miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang iniimbestigahan dahil sa mga reklamo ng katiwalian na isinampa ng mga pribadong indibidwal.