Nagpaabot ng kanilang pakikiramay ang ibat ibang government official matapos ang pagyao ni former Manila Mayor Alfredo Lim, ang tinaguriang ‘Dirty Harry’ ng bansa.
Pumanaw si Lim sa edad na 90 years old kahapon ng hapon, Agosto 8.
Matatandaang noong nakaraang Biyernes, kinumpirma mismo ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno na tinamaan ng COVID-19 ang dating alkalde.
Sa isang kalatas, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, na ipinapaabot nito ang kanyang mariing pakikiramay sa mga naulilang pamilya, kaibigan at taga-suporta ni Mayor Lim.
Ayon kay Roque, hinding hindi malilimutan, partikular na ng mga taga- lungsod ng Maynila ang naging kampanya ni lim kontra kriminalidad at iligal na droga.
Sa Facebook post naman ni dating Pangulong Joseph Estrada, naging magkatunggali man sila ni Lim sa pulitika, alam aniya na iisa lamang ang kanilang hangarin, at ito ay ang mabigyan ng magandang buhay ang mahihirap na mga Pilipino, partikular na ang masang Manilenyo.
Nagpaabot din ng kanyang pakikisimpatya si Senator Lito Lapid, kungsaan sinabi nitong nalulungkot umano syang malaman na maging ang isang tapat na naglilingkod sa bayan ay hindi rin nakaligtas sa sakit na COVID-19.
Masakit aniya para sa kanilang mga kaibigan ni Lim na sa huling sandali, hindi man lamang aniya nila madalaw ang dating alkalde ng maynila upang maayos sanang makapagpaalam dito.