Umiwas ang grupo ng mga judge mula sa Negros Occidental na makisawsaw sa panawagang magbitiw na sa puwesto si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon sa Grupong Negros Occidental Regional Trial Court Judges Association Officers and Members, nananatili silang neutral dahil hindi naman anila sila pulitiko.
Nanawagan sila sa mga hukom at iba pang mga empleyado ng hudikatura na alalahanin ang sinumpaang pangako na itataguyod ang konstitusyon at ang rule of law sa pamamagitan ng pagiging patas at pagbibigay ng panahon na mailatag muna ang lahat ng ebidensya bago magbigay ng desisyon.
Hinikayat pa ng grupo na mga hukom na maging non-partisan at bigyan ng pagkakataon na dumaan sa proseso ng batas.
Hindi rin nakiisa ang mga court employees mula sa Eastern Visayas sa panawagang resignation ni Sereno.
Ayon kay Archie Sumalindanao, Presidente ng Philippines Association of Court Employees sa Eastern Visayas, wait and see lamang sila sa mga susunod pang mangyayari.
Samantala, naniniwala naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang makapipilit kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na magbitiw sa kanyang puwesto.
Ayon kay Drilon, personal na desisyon ang pagbibitiw kaya’t walang maaaring makapagdikta nito sa Punong Mahistrado.
Ngunit hindi inaalis ni Drilon ang posiblidad na hindi na umabot sa Senado ang impeachment complaint laban kay Sereno.
Aniya, sa oras kasi katigan ng Korte Suprema ang quo warranto complaint laban kay Sereno ay hindi na kinakailangan pang i-impeach sa puwesto si Sereno.
—-