Tinanggap ng ilang grupo ng mga Overseas Filipino Worker ang paghingi ng paumanhin ni Customs Commissioner Alberto Lina dahil sa isyu ng pagpapataw ng buwis sa balikbayan box.
Ayon kay John Bertiz, tagapagsalita ng Coalition of Pro-overseas Filipino Worker, sa kabila ng kanilang pagtanggap sa apology ni lina ay tuloy pa rin ang kanilang pagmamatyag.
Aniya, nais nilang matiyak na tutuparin ni Lina ang pangakong pagtataguyod ng OFW help desk sa customs, organisadong proseso ng mga balikbayan box, pagpapasa ng Customs Modernization and Tariff Act o CMTA at pagkakaroon ng mataas na exemption sa buwis sa mga OFW package.
Kasabay nito, sinabi naman ni Susan Ople, pangulo ng Blas F. Ople Policy Center na umaasa silang makakasama sa panukalang CMTA ang isang espesyal na probisyon na pabor sa mga bagong bayani ng bansa.
By: Jelbert Perdez | Allan Francisco