Kulang sa konsultasyon ang nilagdaang BOL ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon ito kay Islamic Society of the Philippines President at dating Tawi-Tawi Governor Almarim Centi Tillah batay sa kanyang obserbasyon nang dumalo sa isinagawang pagdinig ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa kanilang lalawigan.
Iginiit ni Tillah, dapat direktang kinunsolta ng mga bumuo ng BOL ang mismong mga kapatid na Muslim na maaapekto at masasakop nito.
Dahil aniya dito, posibleng mahirapan din ang pamahalaan na makakuha ng boto mula sa taumbayan sa pamamagitan ng plebesito.
“After the Bicam and signed by the President, you have to throw it to the people in a plebiscite, the final decision is by the people themselves, kapag hindi masyado ang consultation, hindi masyado ang hearing, hindi masyado yung mga hearing to inform and enlighten the people relative to what this new legislation is all about, eh mahirapan silang mag-convince ng tao.” Ani Tillah
Samantala, tumanggi namang magkomento ang Moro National Liberation Front o MNLF sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bangsamoro Organic Law o BOL.
Ayon kay MNLF Spokesperson Atty. Emmanuel Fontanilla, nagpasiya si Chairman Nur Misuari na hindi na magbigay ng komento sa BOL dahil hindi naman aniya sila isinama sa proseso ng pagbuo nito.
Gayunman, sinabi ni Fontanilla posible pa ring magkaroon ng epekto ang MNLF sa isasagawang plebesito o botohan sa BOL lalo’t kontrolado nila ang ilang bahagi ng mga lalawigan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
“Siguro sa plebiscite there will be problems for the simple reason that the MNLF controls some areas, the people there are expected not to participate in the referendum or vote on the proposal, parang pamilya na istorya ba na ang matandang kapatid ay ang MNLF at ito ay hindi isinali sa proseso for what reason, we do not know.” Ani Fontanilla
Kasabay nito, iginiit ni Fontanilla na kung naipagpatuloy lang sana ang negosasyon sa pagitan ng mnlf at pamahalaan, nailatag na sana sa kanila ang binuong BOL.
“Dahil sana kung naituloy ang negotiation itong proposal ng Bangsamoro Organic Law ay napag-usapan at kung nakinig ang pamahalaan na sana synchronized ang dalawang negotiation (MNLF and MILF) siguro hindi tayo darating sa ganitong sitwasyon.” Pahayag ni Fontanilla
(Ratsada Balita / Balitang Todong Lakas Interview)