Dapat munang tanggalin sa ipapasang pambansang budget sa susunod na taon ang mga hindi mahahalaga gastusin o non-essential.
Ito ang payo ni Senator Imee Marcos bunsod ng hirap ng buhay ngayon dulot ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng krudo na nagdudulot na ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Marcos, dapat munang magtiis at iwasan ang travel expenses, gastusin sa training, pagbili ng mga bagong sasakyan at pagpapaganda ng mga opisina.
Kanila rin anyang susuriin nang husto kung mayroong savings sa ilalim ng 2022 Budget para may magamit na pondong pang-ayuda o subsidy sa mga apektadong industriya tulad ng transport, agriculture at fisheries sectors.
Binigyang-diin ng senador na mahalagang pagtuunan ng pansin ang paglikha ng trabaho,pagpapasigla sa ekonomiya at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)