May dala ka bang tissue o sabon sa iyong bag? O kaya naman extrang plastic bag?
Ang tatlong indibidwal na ito mula sa Amerika, hindi mawawalan ng nasabing items. Ngunit imbes na gamitin gaya ng nakasanayan, ipinambabaon nila ang mga ito bilang pagkain!
Nagsimulang kumain ng toilet paper si Kinah Moore mula sa Baltimore, Maryland noong siya ay 8 years old pa lamang. Para sa kanya, katulad ito ng isang cotton candy na hindi natutunaw.
Nakakakain ng apat na rolyo ng toilet paper si Kinah kada araw at tinatayang P143,000 ang nagagastos niya rito taon-taon.
Mahilig naman sa sabon si Tempestt Henderson mula sa Florida. Mapa-bar o powder man, tiyak na papapakin niya ito!
Pakiramdam niya, mas nagiging malinis siya sa pagkain ng sabon, kumpara sa paggamit lamang nito bilang panghugas. Dahil dito, kumakain siya ng limang bar ng sabon kada linggo.
Samantala, simula 7 years old, addicted na sa pagkain ng plastic bags si Robert ng Oakland, Tennessee. Sa katunayan, sa sobrang pag-crave niya rito, nagnanakaw pa siya ng mga plastic mula sa grocery stores!
Ang ganitong uri ng eating disorder ay tinatawag na pica. Isa itong mental health condition kung saan hindi mapigilan ng isang tao na kumain ng mga bagay na hindi naman pagkain at walang nutritional value.
Seryosong kondisyon ang pica, kaya dapat mabigyan ng propesyunal na tulong at suporta mula sa komunidad ang sinumang nakararanas nito.