Limang taxi driver ang inaresto ng Land Transportation Office-National Capital Region West makaraang tumangging magsakay ng mga pasaherong Balik-Metro Manila.
Kinumpirma ng LTO na ang pag-aresto sa mga nasabing tsuper ay bahagi ng kanilang “Oplan Isnabero” partikular sa Parañaque Integrated Terminal Exchange maging sa Pasay City at ilang bahagi ng Metro Manila, kahapon.
Ayon kay LTO – NCR – West Director Roque Verzosa, magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa mga isnaberong taxi driver upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga biyahero.
Sa ilalim ng Joint Administrative Order 2014-01, pagmumultahin ng P5,000 hanggang P15,000 ang sinumang tsuper na “hindi magseserbisyo sa publiko o tumangging magsakay” at kakanselahin ang Certificate of Public Conveyance.
Pina-alalahanan naman ni Verzosa ang mga taxi driver na gampanan ang kanilang responsibilidad kasabay ng pagdami ng mga pasaherong nangangailangan ng public transportation.