Makakatuwang ng Makati City government ang ilang jeepney drivers dito para sa mobile learning hub ng nasabing lungsod kung saan naka-enrol na ang halos 83,000 mag-aaral sa public at private schools dito.
Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na makakasama rin nila ang mga guro at librarian para matulungan ang mga mag-aaral at magulang na makasabay sa blended learning.
Ayon kay Binay nakipag-ugnayan na sila sa Makati Jeepney Operators and Drivers Association (MJODA) para sa unang 27 jeepney drivers na mag-iikot sa mga barangay kapag nagsimula na ang klase sa buwan ng Oktubre.
Ipinabatid ni Rita Riddle, program director ng Makati Education Department na P2,000 ang ibabayad nila kada araw sa bawat isang jeep.
Sa pagbubukas ng klase ang mga jeep ang magsisilbing mobile learning hubs at mag-iikot sa mga barangay sakay ang mga guro at librarian pati na mga libro at iba pang learning materials at mga laptop na may internet connection.
Pangunahing tututukan sa programa ang mga mag-aaral na walang gadget o anumang learning tool at mga magulang na mahihirapang gabayan at turuan ang kanilang mga anak gamit ang self-directed learning modules.