Nilamon ng apoy ang ilang kabahayan sa Mandaluyong City, kagabi.
Ayon sa Bureau of Fire Protection o BFP, nagsimula ang sunog sa isang residential area sa may bahagi ng Agudo Street, Barangay Baranka Drive, ganap na ala 7:22 ng gabi.
Tumagal naman ng mahigit isang oras ang pag-apula sa apoy bago ito tuluyang idineklarang fire out ng BFP.
Base sa ulat ng mga otoridad, problema sa electrical connection ang naging ugat ng sunog na umabot sa ikalawang alarma.
Wala namang naitalang nasaktan o nasugatan sa naturang insidente.
Pansamantalang mananatili ang mga naapektuhang residente sa Pedro Cruz Elementary School habang patuloy pang inaalam ang halaga ng mga naabong ari-arian.