Muling nagpaalala ang Manila Police District o MPD kaugnay ng mga isinarang kalsada sa Maynila dahil sa traslacion ng Itim na Nazareno ngayong araw.
Simula alas-10:00 kagabi, isinara na ang bahagi ng Katigbak Drive at South Drive, Northbound Lane ng Mc Arthur Bridge mula Bonifacio Shrine at Taft Avenue mula Ayala Boulevard hanggang Bonifacio Shrine.
Habang sarado naman simula kaninang alas-12:00 ng madaling araw ang kahabaan ng mga tulay ng Mc Arthur, Jones at Quezon; magkabilang lane ng Quezon Boulevard sa Quiapo; at Roxas Boulevard mula Katigbak Drive hanggang TM Kalaw Street.
Sinabi pa ng MPD na ilang mga kalsada rin sa Maynila ang isasara kapag daraan na ang prusisyon at muling bubuksan sa paglagpas nito.
Pinayuhan naman ng MPD ang mga motorista na umiwas na lamang sa mga nasabing kalsada o dumaan na lamang sa mga alternatibong ruta.
—-