Magsasagawa ng Chinese New Year solidarity parade ngayong ala-1:00 ng hapon sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila.
Ayon kay P/Supt. Marissa Bruno, tagapagsalita ng Manila Police District (MPD), magsisimula ito sa Post Office daraan ng Jones Bridge patungong Escolta at Pinpin St. daraan ng Dasmarinas St. patungong Juan Luna St. hanggang Plaza Santa Cruz dadaan ng Soler St. at magtatapos sa Lucky China Town Mall.
Pahihintuin naman ang daloy ng trapiko sa mga intersections sa panahon ng parada at muling bubuksan pagkatapos nito.
Kaugnay nito, ipinapayo ng Manila Police District sa mga motorista na iwasan na muna ang mga lugar na pagdaraanan ng parada kung wala naman importanteng lakad.
“Panawagan sa ating mga gustong dumalo, kung maaari ay hindi na magdala ng sasakyan at dun naman po sa mga motorista natin maaaring wala naman pong ganun kaimportanteng activity dito sa lugar na ito, mangyari po na huwag na dito dumaan, dahil talagang makakaasa po tayo ng may pagsasara at traffic po ang mga daraanang ito.” Ani Bruno
Tiniyak naman ni Bruno ang sapat na bilang ng mga pulis na magbibigay ng seguridad sa parada.
“Tayo ay nagsimula na ng ating deployment ng ating mga tao mula po noong February 4 pa, hanggang ngayong araw kung saan patuloy pa rin ang selebrasyon, hindi po mawawala ang ating mga Kapulisan sa ating kalsadahan lalo na partikular sa dadaanan ng parada at sa buong mag-hapon ng selebrasyon ng Chinese New Year.” Pahayag ni Bruno.
Ayon pa kay Bruno, naging mapayapa at masaya rin ang ginawang pagsalubong ng Maynila sa Chinese New Year kagabi.
Nagkaroon ng New Year countdown ang lunsod na sinundan ng mahabang fireworks display.
By Mariboy Ysibido | Len Aguirre | Balitang Todong Lakas