Malamig ang pagtanggap ng mga taga-Baguio City sa senatorial candidate na lumahok sa Panagbenga flower festival grand parade.
Sa kabila nang ipinatupad na campaign ban ng mga organizer ng Panagbenga, dumalo sa pagdiriwang sina dating Senador Bong Revilla Jr., Lito Lapid at Ilocos Norte Governor Imee Marcos, noong Sabado.
Pero sa halip na mainit na pagsalubong ay na-boo at binato ng bottled-water si Revilla na agad namang naka-ilag at nakipag-kamay pa sa ilang nanood ng parada.
Mahigpit na ipinagbabawal ng Baguio flower festival foundation ang pangangampanya sa Panagbenga Festival at tanging mga incumbent city official mula sa mayor hanggang sa councilor ang maaaring lumahok.
Iginiit ng mga organizer na hindi nila nais mahaluan ng pulitika ang pagdiriwang gaya noong isang taon kung saan naantala ang parada matapos makihalubilo sa mga nanonood sina Marcos at kapatid nitong si dating Senador Bongbong Marcos.
—-