Sinelyuhan na ng Pilipinas at Russia ang ilang mahahalagang kasunduan na inaasahang malaki ang maitutulong para sa pagpapalago ng ekonomiya at ugnayang panlabas.
Ito’y bilang bahagi ng dapat sana’y apat (4) na araw na pagbisita sa Russia ni Pangulong Rodrigo Duterte na naputol dahil sa nangyaring bakbakan sa Marawi City kamakailan.
Kabilang sa mga kasunduang nilagdaan nila Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Russian Foreign Minister Sergey Larvrov ang hinggil sa defense cooperation, nuclear energy, tourism, agriculture, trade and industry, foreign affairs, transportation maging ang culture and arts.
Kasunod nito, inihayag ni Cayetano na walang nasayang na pagkakataon sa maikling bilateral meeting sa pagitan nila Pangulong Rodrigo Duterte at Russian President Vladimir Putin dahil halos lahat aniya ng mga nilagdaang kasunduan ay natalakay sa nasabing pagpupulong.