Nabunyag ang ilang insidente ng katiwalian na kinasangkutan ng SAF commandos na nagbabantay sa NBP o New Bilibid Prisons.
Tila kumpirmasyon na rin ito ni Bureau of Corrections o BuCor Director General Benjamin delos Santos sa napaulat na pagbabalik ng transaksyon ng illegal drugs sa NBP dahil na rin sa pagkunsinti ng ilan sa SAF commandos.
Ayon kay Delos Santos, bilang isang dating pulis ay malaki ang respeto niya sa SAF subalit hindi maikakaila na may mga nabahiran o kontaminado nang SAF commandos sa NBP.
Tinukoy ni Delos Santos ang isang SAF member na kinasuhan nila dahil sa pagnanakaw ng dalawandaang libong piso (P200,000) at telebisyon sa kapilya sa loob ng Maximum Security Compound ng NBP.
Gumamit rin anya ng dalawang preso ang SAF commando bilang kasabwat na pinagsuot niya ng uniporme ng SAF.
“Merong isang sarhento ng SAF may ginamit siyang dalawang preso natin, pinag-suot niya ng uniporme ng SAF under that defense of conducting a raid, pinasok nila yung kapilya, natural wala silang nakitang droga ang binuksan yung vault, may nakitang perang P200,000, tinangay pati yung TV, siguro tinamaan ng enlightenment ito, nangumpisal doon sa chaplain na inamin niya ang modus na ganun, kaya lang sinabi niya pasensya na po kayo, hindi ko na maibabalik ang pera, napaghati-hatian na ng tropa.” Ani Delos Santos
Samantala, ibinunyag rin ni Delos Santos na may anim na insidente pa silang iniimbestigahan na kinasasangkutan ng SAF.
Hindi naman idinetalye ni Delos Santos kung lahat ng anim na insidente ay may kaugnayan sa illegal drugs trade sa loob ng NBP Maximum Security Compound.
“In the event that I’m able to prove it and substantiate the charges together with material documents, testimonial evidence, malalaman din, nag-take over na ang NBI sa investigation, it will be an independent body, we’ll turn over data we’ve gathered together with the existing investigation para sila na ang magtapos.” Pahayag ni Delos Santos
Drug trade
Kinumpirma ng pamunuan NBP o National Bilibid Prison na nagbabalik ang problema sa illegal drugs sa maximum security compound ng Bilibid.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Bureau of Corrections o BuCor Director General Benjamin delos Santos na madalas silang nakakakuha ng mga sachet-sachet na shabu kapag nagsasagawa sila ng biglaang inspeksyon.
Ayon kay Delos Santos, bago pa man ibinunyag ng Department of Justice ang pagbabalik ng illegal drug trade sa NBP ay may ginagawa na silang tahimik na imbestigasyon.
Para kay Delos Santos, tuluyang masasawa ang bultuhang transaksyon ng illegal drugs sa loob ng NBP kung ang pipilayin ng awtoridad ay mga supplier na nasa labas ng Bilibid.
“One thing is clear yung allegation na mayroong drug o shabu laboratory sa loob, niluluto, wala, yun lang na naipupuslit ng pakonti-konti.”
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni BuCor Director General Benjamin delos Santos