Hindi nakalusot sa ilang mga kongresista at binanatan ang tatlong presidential aspirants matapos ang kanilang panawagan na magwithdraw na si VP Leni Robredo sa presidential race.
Una nang nagpahayag ng reaksiyon ang Gabriela Women’s Partylist kung saan, kanilang kinondena ang isinagawang presscon nina presidential aspirants manila City Mayor Isko Moreno, Senator Panfilo “Ping” Lacson at dating defense secretary Norberto Gonzales at inilarawan bilang “unabashed display of male egos as fragile as eggshells” o ang kawalan ng pagpapahalaga ng mga kalalakihan sa mga kababaihan.
Sa naging pahayag naman ni House Minority Leader at ACT Teachers Party-List Rep. France Castro na ang easter “gimmick” nina Domagoso, Lacson at Gonzales ay lalo lamang nagpapatibay at nagpapatunay sa paniniwalang hindi sila karapat dapat iboto ng mga tao partikular na ang mga botante.
Inakusahan naman ni Agusan Del Norte Rep. Lawrence Fortun ang tatlong kandidato na “illogical” o hindi makatwiran ang kanilang naging panawagan kay Robredo upang maibigay ang tsansa sa bagong second placer na ma-overtake ang survey results ni dating senator Bongbong Marcos.
Matatandaang sa pinaka huling OCTA Research Survey na inilabas noong Linggo, Abril a-17, nanguna si Marcos bilang top presidential choice matapos makakuha ng 57% kung saan, pumangalawa si Robredo na mayroong 22%, Moreno na mayroong 9%, Lacson na mayroong 4% habang .001% naman si Gonzales.