Hati ang pananaw ng ilang kongresista sa planong pagtatayo ng hotel-casino sa Boracay.
Naniniwala si Muntilupa Representative Ruffy Biazon hindi na kailangan pang magtayo ng casino sa Boracay dahil matagal na itong dinadayo dahil sa taglay na ganda ng beach nito.
Gayundin ang pagtutol ni Samar Representative Edgar Mary Sarmiento na aniya’y marami ng casino sa bansa at hindi kailangan maglagay pa sa Boracay.
Pabor naman si Danilo Suarez na tayuan ng casino ang Boracay.
Pero ayon kay Suarez, dapat ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang magtayo at magpatakbo nito.
Kung pribadong sektor naman umano ay dapat pa rin na maging katuwang nito ang PAGCOR para magkaroon pa rin ng bahagi ang gobyerno sa kita sa operasdyon ng hotel-casino.
Magugunitang, inihayag ng Macau casino operator na Galaxy Entertainment Group Ltd., ang interes nitong mamuhunan ng 500 milyong dolyar para sa pagtatayo ng casino sa naturang isla.
Kamara pabor sa pagpapasara ng Boracay
Samantala, pabor naman ang House Committee on Tourism na pansamantalang isara ang isla ng Boracay upang mabigyang daan ang pagsasa-ayos nito.
Ayon kay Committee Chairman Lucy Torres-Gomez, ibinase ang desisyon ng komite sa mga rekomendasyon matapos ang masusing imbestigasyon sa mga sinasabing problema sa Boracay.
Bagama’t aminado si Gomez sa mabigat na epekto sa ekonomiya ng pagpapasara ng isla ay nanindigan pa rin itong kailangan magsakripisyo para rin umano sa ikatatagal pa ng buhay ng Boracay.
Wala namang inirekomenda ang komite kung gaano katagal dapat isara ang naturang isla dahil depende umano ito sa magiging planong pagkilos ng mga ahensya para malinis ang kilalang tourist spot sa bansa.
—-