Inirerekomenda ngayon ng ilang kongresista sa pamahalaan na bumuo ng isang task force na sasala sa listahan ng mga posibleng makalayang bilanggo sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ayon kay ACT-CIS Rep. Niña Taduran at CSW Rep. Romeo Momo, layon ng pagbuo ng task force na tutukan ang kaso ng mga bilanggong nag-apply sa GCTA bago sila payagang makalaya ng mas maaga sa kanilang sentensya.
Iaakyat naman sa Department of Justice (DOJ) at Pangulo anoman ang magiging desisyon ng task force.
Mahalaga rin aniya na mailathala sa mga pahayagan ang pangalan ng mga papalayaing bilanggo sa bisa ng GCTA.
Ani Taduran, mas mainam kung ang magiging miyembro ng bubuuing task force ay magmumula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.