Umalma ang ilang kongresistang tinukoy ng Pangulong Rodrigo Duterte na may kickback sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Tinawag na “grossly unfair” ni Occidental Mindoro Representative Josephine Ramirez-Sato ang pagkakasama niya sa nasabing listahan dahil walang ginawang imbestigasyon sa anumang proyekto sa kanilang lalawigan ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) anumang ahensya ng gobyerno.
Itinanggi rin ni Northern Samar Representative Paul Daza ang pagkakasangkot sa korupsyon dahil maaaring mga kalaban niya sa local politics ang nagbigay ng libelous information sa PACC.
Binigyang diin naman ni Ifugao Representative Teddy Baguilat, Jr. na hindi sana siya naghihirap at tumutulong magbenta ng Cordillera products kung tumatanggap siya ng kickback.
Isabela 4th District Representative Alyssa Sheena Tan itinanggi ring sangkot sa korupsyon
Itinanggi ni Isabela 4th District Representative Alyssa Sheena Tan ang paratang na korupsyon sa kanya ng punong ehekutibo.
Ito ang naging reaksyon ni Tan makaraang idawit siya ng pangulo sa umano’y mga mambabatas na sangkot sa korupsyon batay sa listahang ibinigay ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Sa isang post online, sinabi ni Tan na hindi totoong nagmamay-ari siya ng isang construction company na doon umano inaward ang proyekto para sa kanyang distrito.
Giit pa nito, wala siyang shares sa anumang construction companies.
Sa huli, iginiit ni Isabela 4th District Representative na mabalis lang naman para sa mga ahensya ng gobyerno na i-validate kung totoo ba ang akusasyon. —sa panulat ni Ace Cruz
Malinis ang konsensya ko —Quezon 4th District Representative Angeline ‘Helen’ Tan
Malinis ang konsensya ko.
Ito ang iginiit ni Quezon 4th District Representative Angeline ‘Helen’ Tan sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa gitna ng akusasyon dito na siya’y dawit sa korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ani Tan, kanyang hinahamon si PACC Commissioner Greco Belgica na pumunta mismo sa Gumaca sa Quezon para bisitahin ang ipinupukol sa kanyang maanomalyang road project.
Giit pa ni Tan, hindi dapat nagbabase sa mga anonymous na sulat o sumbong ang PACC at dapat aniya itong iberipika.
Kasunod nito, paliwanag ni Tan, totoo namang may nasirang bahagi ng Bypass Road sa Gumaca dahil sa bagyo.
Pero, ani Tan, nang masira ito, agad niyang hinginan ng paliwanag ang DPWH.
Sa huli, naniniwala si Tan na political operation lamang ang isyung ito na gawa ng kanyang mga kalaban sa pulitika. —sa panulat ni Ace Cruz