Matinding hinagupit ng bagyong Tisoy ang ilang lalawigan sa Luzon at Visayas sa nakalipas na magdamag.
Batay sa ulat, halos anim na oras na nakaranas ng tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan at matinding bugso ng hangin ang Albay.
Umaabot sa 31,000 pamilya ang inilikas na sa buong lalawigan habang nakapuwesto pa rin ang quick response team ng Albay para mabilis na makaresponde.
Samantala sa Camarines Norte, maraming kabahayan ang nawasak at mga puno at posteng natumba dahil sa pagbayo ng malakas ng hangin.
Nawalan din ng signal ang ilang mga telecommunication companies sa lalawigan.
Umaabot naman sa 7,000 residente ng Virac, Catanduanes ang inilikas sa mga evacuation centers gayundin ang mga preso mula sa Virac Bureau of Jail Management and Penology dahil sa pangamba ng storm surge.
Sapilitan na ring ipinalikas ang umaabot sa 3,000 residente sa Catbalogan, Samar bago pa tumama ang bagyong Tisoy sa lugar.
Samantala, ilang bayan sa Samar ang wala pa ring suplay ng kuryente maliban lamang sa Catbalogan City.