Nananatiling walang suplay ng kuryente sa ilang lalawigan sa hilagang Luzon na matinding binayo ng super bagyong Lawin.
Batay sa ipinadalang abiso ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa DWIZ, wala pa ring kuryente sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Cagayan, hilagang bahagi ng Benguet at Isabela.
Habang naibalik naman na ang suplay ng kuryente sa mga lalawigan ng La Union, Pangasinan, Ilocos Sur, at ang nalalabing bahagi ng Benguet.
Kasunod nito, sinabi ng NGCP na magsasagawa sila ng inspeksyon sa mga lugar na sinalanta ng super bagyong Lawin sa sandaling gumanda na ang panahon sa mga nasabing lugar.
Apayao
Samantala, nagbabalikan na ang mga residenteng naapektuhan ng bagyong Lawin sa Apayao.
Ayon kay Apayao Provincial Administrator Vincent Talagtag, pinakamatinding nakaranas ng hagupit ng bagyo ang sektor ng agrikultura habang ina-assess na rin nila ang halaga ng pinsala nito maging sa imprastraktura.
Sa ngayon anya ay sarado ang mga kalsada sa ilang bayan matapos makaranas ng landslide dulot ng malakas na ulan.
Bahagi ng pahayag ni Apaya Provincial Administrator Vincent Talagtag
By Jaymark Dagala | Drew Nacino | Balitang Todong Lakas