Nagbabala ang isang consumer at environmental groups laban sa pagbili ng mga madaling masira at toxic o nakalalasong mga laruang ipanreregalo sa mga bata sa darating na Pasko.
Ayon kay Ecowaste Coalition Chemical Safety Campaigner Thony Dizon, may mga laruang posibleng magdulot ng panganib sa mga bata.
Ilan aniya sa mga ito ay ang chemical poisoning o pagkalason sa kemikal na ginamit na sangkap sa laruan; choking o maliliit n bahagi ng laruang posibleng malunok at bumara sa lalamunan ng mga bata; pagkasugat dahil sa matatalas na parte ng laruan.
Gayundin, ang mga kable o tali sa laruan na maaaring makasakal sa mga bata at matutulis na bahaging maaari namang magdulot ng eye injury.
Samantala, hinimok naman ni Laban Konsyumer Incorporated president Vic Dimagiba ang pamahalaan na kumilos para matiyak na mayroong tamang label at magagandang kalidad ang mga laruang ibinebenta sa mga pamilihan.