Naglabas na ang ilang local government unit ng guidelines sa paggamit at pagbebenta ng mga paputok at pailaw sa bisperas ng bagong taon.
Sa Quezon City, nilimitahan na ng LGU ang pagbebenta sa shopping malls upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang constituents.
Ayon kay QC Department of Public Order and Safety Head General Elmo San Diego, sa mga mall na lamang maaaring bumili ng pailaw at paputok pero dapat ay may permit mula sa kanilang tanggapan.
Bawal naman ang magsindi ng pailaw o paputok sa labas ng bahay dahil may mga itinalaga anyang firecracker zones.
Samantala, binawi ng Valenzuela City LGU ang kanilang firecracker ban bagkus ay nagpasa ng ordinasang nagpapahintulot sa paggamit at pagbebenta ng mga pailaw at paputok at iba pang legal pyrotechnic devices.
Gayunman, nilinaw ng lokal na pamahalaan na tatalima sila kautusan ng national government sa oras na maglabas ito ng sariling guidelines.
Una nang inihayag ng DILG na dapat ay alinsunod sa Implementing Rules and Regulations ng Fire Code of the Philippines at Republic Act 7183 ang mga ipinatutupad na ordinansa ng mga LGU.