Nilinaw ng ilang alkalde sa Metro Manila na mababa pa rin ang mga kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar kahit na isinailalim ito sa moderate risk.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, kasalukuyang nasa 37 ang aktibong kaso sa lungsod na pawang mga mild case lamang o asymptomatic.
Aniya, hindi ito kataasan kumpara sa naitala noong mga nakalipas na linggo na nasa 28 hanggang 35 ang mga kaso.
Sinabi naman ni Pateros Mayor Miguel Ponce III na 20 lamang ang kasalukuyang aktibong kaso sa kanilang lugar na pawang mga walang sintomas.
Dalawa sa nasabing bilang ang nagpa-admit sa isolation facility habang walang napa-ospital.
Giit ng dalawang alkadle na kailangang maintindihan ng publiko kung bakit sinasabing tumaas ng 200% growth rate ang COVID-19 cases gayong galing ang nasabing lugar sa mababang bilang at zero cases ng virus.
Nabatid na isinailalim kahapon ng Department of Health (DOH) ang San Juan, Pateros, Marikina, Pasig at Quezon City sa moderate risk ng COVID-19 matapos makapagtala ng pagtaas ng mga kaso ng virus.