Magsasagawa ng house-to-house visitation ang lokal na pamahalaan ng Sta. Rosa at Biñan sa lalawigan ng Laguna.
Itoy upang masiguro na maayos na maipapamahagi ang cash aid sa kanilang mga residente at matiyak na maiiwasan ang anumang hawaan ng COVID-19.
Kahapon, araw ng Sabado, sinimulan na ng LGU ng Sta. Rosa ang pagbuwag sa kanilang mga distribution centers dahil mismong sila na ang magtutungo sa bawat pamamahay upang ipamahagi ang ayuda.
Maliban sa ipinatupad nilang pagbabago sa sistema ng cash aid distribution, dinagdagan din umano ng naturang LGU ang pondong ibinigay ng national government nang sa gayo’y, mas maraming residente ang mabibigyan ng pinansyal na tulong.
Kabilang umano sa mga idinagdag sa listahan na makatatanggap ng cash aid sa Sta. Rosa ang mga tricycle driver, persons with disabilities, at mga mangingisda na hindi nakasama sa social amelioration program (SAP).
Samantala, inihayag naman ng Biñan LGU na kailangan lamang na magpakita ng ilang katibayan ng kanilang pagkakakilanlan ang bawat residente ng mga bahay na kanilang bibisitahin upang agad na makuha ang kanilang mga cash assistance na aabot sa isang libo hanggang P4,000.
Pahayag pa ng lokal na pamahalaan ng Biñan, hindi nila papipilahin sa init ng araw ang mga kanilang mga residente bagkus ipaparamdam umano nila sa mga tao na may gobyerno at makararating sa kanila ang tulong na mula sa national government.
Kaugnay nito, magkakaloob din ng in-kind na tulong ang provincial government ng Laguna para sa mahigit 600,000 pamilya na ikinukunsiderang mga poorest of the poor.