Posibleng maantala narin ang pagbibigay ng bakuna kontra COVID-19 sa mga senior citizen sa Pateros dahil sa kakulangan ng AstraZeneca vaccines.
Ayon kay Pateros Mayor Ike Ponce, posibleng mag-resume ang kanilang pagtuturok ng vaccine sa mga nakatatanda kapag dumating na muli ang iba pang bakuna.
Sa ngayon aniya, mayroon pa silang natitirang Sinovac pero nagsimula narin aniya silang magbigay nito sa mga mayroong co-morbidities.
Habang sa San Juan City, nagkakaroon narin umano ng AstraZeneca vaccine shortage at tanging 590 doses na lamang ang natitira.
Pahayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora, mayroon pang mangilan-ngilan na matitira sa 590 doses pero kanila na aniya itong ibabakuna sa mga senior citizens sa kanilang lunsod bukas, araw ng Lunes.
Inaasahan aniya nila na hanggang isa o dalawang araw na lamang ang aabutin ng kanilang COVID-19 vaccines.
Dahil dito, nanawagan si Zamora sa national government na sanay maparating na nito ang iba pang delivery ng AstraZeneca vaccine sapagkat kung wala aniyang darating na bakuna, ay posibleng mapilitan silang itigil muna ang pagbibigay ng bakuna sa mga senior citizens.