Hati ang mga Local Government Unit sa bagong polisiya ng Pamahalaan na luwagan ang paggamit sa face mask sa outdoor settings sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito ang naobserbahan ng Department of Health sa maagang pagpapatupad ng Executive Order number 3 ni Pangulong Bongbong Marcos na nagpapahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng face masks sa pampublikong lugar, maliban sa mga crowded area.
Ayon kay DOH Officer-In-Charge, Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa unang araw pa lamang ng implementasyon ay marami ng mga LGU ang nagtatanong kung maaari na nilang ipatupad ang polisiya.
Mayroon din naman anyang ibang LGU na nais manatili ang umiiral na restriksyon at hindi pa rin papayag na walang face masks ang mga tao, lalo sa labas ng bahay.
Bagaman naglabas ng kautusan, napansin din ng DOH na marami pa rin namang naka-facemask sa mga pampublikong lugar.