Mahigpit na binabantayan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Region 12 o Soccsksargen ang posibleng pagkakasangkot sa illegal drug trade ng ilang lokal na kandidato sa May 2022 elections.
Ang pahayag ay ginawa ni PDEA-Region 12 Spokesperson Katryn Gaye Abad matapos masabat ang higit P3milyong halaga ng umano’y shabu mula sa isang kandidato sa pagka-alkalde sa Maguindanao sa ikinasang operasyon sa North Cotabato.
Sinabi ni Abad na hawak na ng kanilang intelligence at enforcement units ang isang listahan ng mga target personalities at nagsasagawa na rin ng surveillance operations ang mga ito bilang pagtalima sa direktiba ni PDEA Director General Wilkins Villanueva.
Matatandaang sinalakay ng PDEA ang tahanan ni Tom Nandang sa Midsayap kung saan nakumpiska mula rito ang bultong-bultong ipinagbabawal na droga.
Ayon sa PDEA, si Nandang na mayoralty candidate sa Northern Kabuntalan ay nasa listahan ng mga high-value targets at sangkot umano sa laganap na bentahan ng droga sa lalawigan.