Nakakaranas ngayon ng pagkaantala sa suplay ng tubig ang ilang lugar sa bansa partikular na sa Metro Manila.
Ito ay dahil sa pagtaas ng turbidity level sa raw water ng laguna lake dala ng hanging amihan.
Dahil dito, nagsagawa ang Maynilad ng urgent maintenance work sa ultrafiltration membranes at Dissolved Air Flotation (DAF) system ng putatan water treatment plants para mapanatili ang filtration capacity nito.
Ayon sa Maynilad Water Services, Inc., kinakailangan nilang magbawas ng water production upang masiguro na maayos pa rin ang kalidad ng tubig na matatanggap ng kanilang mga customer.
Kabilang sa mga apektado ng water service interruption ang ilang bahagi ng Parañaque, Las Piñas, Imus City, Bacoor City, Muntinlupa City, Cavite City, Noveleta, Cavite at Rosario, Cavite na tatagal hanggang December 22, 2021.
Pinapayuhan naman ang mga apektadong customer na mag-ipon ng sapat na tubig sa mga oras na available ang supply sa kanilang lugar.
Sinabi naman ng maynilad na nakaantabay ang kanilang mga water tankers upang maghatid ng malinis na tubig sa mga apektadong lugar.
Sa ngayon ay patuloy na mino-monitor ng maynilad ang kalidad ng tubig na pumapasok sa kanilang treatment plants, habang nagsasagawa ng system adjustments para ma-optimize ang limitadong supply ng tubig.—sa panulat ni Angelica Doctolero