Lubhang napinsala ng masungit na panahong dala ng Bagyong Quinta ang mga pasilidad ng iba’t ibang power distributor sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon sa National Electrification Administration (NEA), ilan sa mga lugar na walang suplay ng kuryente dahil sa bagyo ay ang Claveria at Sta. Paraxedes.
Maliban kasi sa malakas na ulan dulot ng bagyo, nagkaroon din ng pagguho ng lupa at pagbaha sa lugar na nagresulta sa pagbagsak ng mga poste ng kuryente sa lugar.
Dahil dito, nakararanas ng blackout ang mga bayan ng Callungan, Magacan, Tokitok, San Andres at Namuac sa Sanchez Mira.
Gayundin sa mga Barangay Sta. Elena at Sta. Filomena na pawang nasa bayan ng Calanasan, lalawigan ng Apayao.
Pagtitiyak naman ng Cagayan Electric Cooperative 2, maibabalik nila ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar sa sandaling umayos na ang lagay ng panahon.