Patuloy na makakaranas ng pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang ilang lugar sa Luzon partikular na ang northern portion ng Occidental Mindoro; northern Palawan kasama na ang Calamian at Cuyo Group of Island.
Ayon kay PAGASA weather specialist Ana Clauren, bunsod parin ito ng Southwest monsoon o Hanging Habagat at Low Pressure Area (LPA) na namataan sa layong 715 kilometers East of Baler Aurora at kasalukuyang binabantayan sa labas ng Philippine Area of responsibility (PAR).
Mababa naman ang tiyansa nito na maging isang bagyo at inaasahang kikilos ito patungong silangang at papalayo ng PAR.
Asahan naman na makararanas ng maulap na kalangitan na may pagbugso ng pag-ulan sa Metro Manila, Zambales, Bataan, CALABARZON, at MIMAROPA bunsod parin ng Hanging Habagat.
Magiging maaliwalas naman ang panahon sa nalalabing bahagi ng Luzon pero mataas parin ang tiyansa ng pag-ulan sa hapon hanggang sa gabi dahil sa thunderstorms.
Wala namang inaasahang malawakang pag-ulan sa Visayas at Mindanao maliban nalang sa mga isolated rain showers lalo na sa hapon hanggang sa gabi.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 25°C hanggang 30 °C habang sisikat naman ang haring araw mamayang 5:45 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 5:53 ng hapon.