Mas pinaluwag na ang ipatutupad na community quarantine sa ilang mga lugar sa Luzon at Visayas, simula bukas, Agosto 16 hanggang 31.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque, alinsunod sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at inaprubahan ng Pangulo.
Ayon kay Roque, isasailalim sa general community quarantine (GCQ) ang mga lalawigan ng Nueva Ecija, Batangas, Quezon gayundin ang mga lungsod ng Iloilo, Cebu, Mandaue, Lapu-Lapu, Talisay at mga bayan ng Minglanilla at Consolacion sa Cebu Province.
Habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay nasa ilalim ng modified GCQ.
Samantala, sinabi ni Roque na nakatakda namang i-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes ang ipatutupad na community quarantine restrictions sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.